Amasonang buntis nasagip sa engkuwentro

MANILA, Philippines — Isang buntis na amasonang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasagip ng tropa ng pamahalaan matapos abandonahin ng kaniyang mga kasamahan sa engkuwentro sa Brgy. Umiray, Dingalan, Aurora.

Kinilala ni Lt. Col. Rodrigo Lutao Jr., Chief ng Public Information Office ng AFP-NOLCOM ang nailigtas na si Manilyn “Manene “ dela Cruz, alyas Miya/Manene, 19, mi­yembro ng Platoon Julian, Komiteng Larangang Guerilla  ng NPA Command.

Ayon kay Lutao, si Dela Cruz ay inabandona ng kaniyang mga kasamahan matapos masugatan sa bakbakan na nami­milipit sa sakit sa tinamong sugat nang makorner ng mga sundalo sa bakbakan sa nasabing lugar kama­kailan.

Ang buntis na amasona ay agad namang isinugod sa Fort Magsaysay Army Station Hospital para malapatan ng lunas pero inilipat ito sa isang ospital sa Cabanatuan City dahil sa delikadong sitwasyon.

Sa imbestigasyon, si Dela Cruz ay isang katutubo na miyembro ng tribong Dumagat at apat na buwang buntis sa una nitong anak.

Ang nasabing amasona ay may nakabim­bing warrant of arrest sa kasong arson, attempted murder, direct assault with multiple murder at frustrated murder.

Show comments