Abogado, 1 pa timbog sa P1.3 milyong shabu

MANILA, Philippines — Isang abogado at kaibigan nitong babae na umano’y mga bigtime drug pusher ang naaresto ng mga otoridad sa isang buy-bust operation sa Quezon City.

Kinilala ni QCPD Director PBGen. Redrico Maranan ang mga suspek na sina Camilo Montesa IV, 57, abogado, residente ng Brgy. Central Diliman, at Maria Victoria Balajadia, 39, ng Brgy. Pinyahan, kapwa sa Quezon City na kung saan ay nasamsam sa kanila ang nasa P1.3 milyong halaga ng shabu.

Sa record ng pulisya na ang dalawang suspek ay kapwa kabilang sa drug watchlist ng Directorate for Intelligence (DI) drug watchlist.

Bago ang pagkaaresto sa dalawa ay nakatanggap ang pulisya hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek sa No. 16 Masigla St., Brgy. Central Diliman.

Agad na ikinasa ang buy-bust operation, alas-5:25 ng umaga nitong Martes at isang pulis ang nagsilbing poseur buyer.

Nang makabili ng halagang P81,000.00 ng shabu ay kinumpas ng poseur buyer ang signal at inaresto ang mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang nasa 202 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,373,600.00, black belt bag, weighing scale, cellular phone at buy-bust money.

Show comments