Mandaue Mayor, apat pa kinasuhan sa Ombudsman, inireklamo kay Panguong Marcos

MANILA, Philippines — Dahil umano sa pang-aabuso sa kapangyarihan at katiwalian ay ipinag­harap ng kaso sa Office of the Ombudsman at ini­reklamo rin sa Office of the Presi­dent si Mandaue City Mayor Jonas Cortes at apat na konsehal, sina Maline Cortes-Zafra, Oscar del Castillo, Jen Del Mar, at Cynthia Remedio ni Maria Priscilla Melendres.

Sa anim na pahinang affidavit of complaint ni Melendres sa tanggapan ni Ombudsman Samuel Martires at Pangulong Bongbong Marcos Jr, sinabi nito na ginamit ng alkalde at apat na konsehal ang kanilang posisyon para kunin at gamitin ang kanyang lupa na malinaw umanong paglabag sa Section 60 of the Local Government Code at Section 3 of the Republic Act 3019, known as the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ayon kay Melendres, kinuha umano nina Mayor Cortes ang kanyang 9.5-hektaryang lupa sa Zone Ahos, Barangay Paknaan, Mandaue na ginagamit ngayon bilang relokasyon site para sa mga informal settlers.

Aniya, nagpapatunay na siya ang may-ari ng lupa batay sa deklarasyon ng pagbabayad niya ng buwis ay nakarehistro rin sa kanyang pangalan at kinikilala ng pamahalaang lungsod.

Maging sa rekord umano ng City Assessor’s Office ng lungsod ay sa kanya nakapangalan ang nasabing lupa.

Ang reklamo ni Melendres ay natanggap ng Ombudsman at Office of the President nitong March 20, 2024.

Show comments