Misis inatado ng selosong mister

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang 21-anyos na misis nang pagsasaksakin ng kanyang live in partner, sa loob ng kanilang bahay sa APH Acacia Park Home, Brgy. Saimsim, Calamba City, Laguna.

Ang biktima na nasawi dahil sa tinamong pitong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Andrea Salve Escalante. Agad naaresto ang suspek na si John Lester Catambay­, 23, sa isang hot pursuit operation sa Brgy. Parian, alas-5:00 ng hapon.

Sa imbestigasyon ni P/Staff Sergeant Zidney Manglo na positibong itinuro ang suspek ng ina ng biktima na siyang nanaksak sa kanyang anak at lumalabas na selos ang motibo nang pagpatay dahil sa umano’y may ibang lalaki ang huli.

Nabatid na alas-2:00 ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa sa ibaba ng bahay at narinig ng ina ang sigaw ng anak na, “Mama papatayin na niya ako” na humihingi ng tulong.

Nang bumaba ang ina ay nakita niya kung paano pagsasaksakin ng suspek ang kanyang anak.

Show comments