Coastal road/seawall project sa lalawigan ng Quezon, sisimulan na ng DPWH

MANILA, Philippines — Maaari nang simulan anumang araw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Quezon III District Engineering Office ang bahagi ng 4.75 kilometrong Coastal Road at Seawall sa kahabaan ng coastal areas ng Catanauan, Quezon.

Inaasahan na malaki ang maidudulot na pakinabang ng proyektong ito sa mga residente at turistang nagdaraan sa lugar na ito ng Catanuan at maging sa progreso ng nasabing lugar sa usapin ng komersyo, kalakalan at turismo. Nabatid kay officer-in-charge, District Engr. Jorge C. Pasia na ang mahigit P96-M project ay  dumaan sa tamang pro­seso kung saan nagkaroon ng bidding at naigawad ang proyekto sa nagwa­ging bidder na St. Timothy Construction Corporation na may business address sa Pasig City na  kinakatawan ni Ma. Roma Angeline D. Rimando, authorized managing officer.

Ipinaliwanag ni Dist. Engr. Jorge C. Pasia na bago pa iginawad sa nanalong bidder ang kontrata ay nagsagawa na ng mga serye ng mga konsultasyon sa mga residente, local government unit (LGU) at environment sector ang ahensya ng DPWH.

Sa nasabing coordination meeting ay ipinakita ni Engr. Domingo P. Villaruel ng Procurment Unit ng DPWH Quezon III DEO ang eksaktong lokasyon ng proyekto kung saan walang maapektuhang mangrove areas.

Sa katunayan, nito lang May 3, 2023 ang Coastal Road with Seawall project sa Catanauan Bay, Cata­nauan, Quezon ay ginawaran na ng Certificate of Non-Co­verage (CNC) at ito ay inisyu ng DENR, Environmental Management Bureau kay Engr. Pasia.

Show comments