Ex-cop na wanted sa murder, tiklo

MANILA, Philippines — Isang dating pulis na wanted sa kasong pagpatay sa isang barangay chairman at pagkasugat ng isa pa noong buwan ng Pebrero sa Naic, Cavite ang naaresto kamakalawa sa Tanauan City, Batangas.

Kinilala ang suspek na si dating P/Corporal Bernardo Pangilinan, 63, nakadestino sa Maragondon police station, ay naaresto ng mga tauhan ng  Provincial Intelligence Unit sa pinagtataguan nito sa Barangay Sambat, ala-1:00 ng hapon.

Isinilbi sa suspek ang  arrest warrants sa kasong murder at frustrated murder na inisyu ni Judge Ralph Arellano, ng Branch 132 Naic, Cavite na walang piyansa sa kasong murder habang may piyansa na P200,000 sa  frustrated murder.

Nabatid na si  Pangilinan ay nakatala bilang High Value Target Individual at number 8 most wanted person sa lalawigan ng  Cavite.

Si Pangilinan ay positibong kinilala ng mga saksi na pumatay kay barangay captain Noel Catibayan, 48 ng Malainen Bago, Naic at pagkasugat sa kaanak na si Roy Catibayan, 48, sa Ericka Louise Ville, Barangay Malainen Bago, Naic, Cavite noong  Feb. 20, 2022.

Batay sa ulat na ang mga biktima ay nag-iinuman nang dumating si Pangilinan na may kasamang tatlong tao at walang kaabug-abog itong pinagbabaril.

Nagtamo si Catibayan ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at idineklarang dead on arrival sa ospital habang ang kaanak nitong si Roy ay malubhang nasugatan.

Show comments