25 drum ng kemikal sa paggawa ng shabu nasabat ng PDEA

MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cebu ang 25 drum ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu na galing sa Liberia.

Ayon sa PDEA, bigo ang pasahero na magpakita ng kaukulang dokumento sa Bureau of Customs (BOC) matapos dumaong sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sinabi ng kapitan ng barko na inutusan sila ng kanilang employer na dalhin ang mga kemikal upang linisin ang mga barko na galing sa Japan.

Nabatid na dumaan ang barko sa Amerika, Singapore, at South Korea, subalit dito lamang sa Pilipinas naharang.

Sinabi ng PDEA na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng malalaking volume ng hydrochloric acid ng walang dokumento.

Inihahanda na ng BOC at PDEA ang pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng barko. - Mer Layson

Show comments