Magkaangkas sa motor todas sa ambush

MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang isang motorcycle rider at angkas niyang babae makaraang paulanan ng bala ng nag-iisang salarin kamakalawa ng madaling araw sa Sitio Sambat, Barangay Talisay, Tiaong, Quezon.

Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga biktima gayundin ng salarin na tinatayang kapwa nasa edad 25-35.

Inilarawan ang rider na lalaki na nakasuot ng asul na t-shirt at stripe na short at may taas na 5’5 habang ang babae ay nakasuot ng asul na t-shirt at pajama at may taas na 5’2.

Sa salaysay sa pulisya ng mga saksi, alas-3:30 ng madaling araw ay sakay ang mga biktima ng isang Rusi motorcycle at bahagyang huminto sa terminal ng mga tricycle.

Dito dumating ang isang hindi nakikilalang lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima na bagama’t mga sugatan ay tumakbo patungo sa isang gasolinahan at humingi ng tulong.

Subalit hinabol sila ng suspek at nang abutan ay muli silang pinagbabaril hanggang sa mamatay. - Ed Amoroso

Show comments