MANILA, Philippines — Dalawang dayong babae ang naaresto ng mga otoridad sa isang drug buy-bust operation sa Lakewood Subdivision, Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City, kamakalawa ng hapon.
Nakumpiska sa dalawang suspek na kinilalang sina Sittie Pindatun, 30, at Nor-Ain Bilal, 26, kapwa may-asawa ng Barangay H-2, Dasmariñas City, Cavite ang nasa tatlong kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P20,400,000.
Sa ulat, alas-4:30 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust sa nasabing subdivision ang sanib-puwersang tauhan ng NEPPO, CIDG, PFU-NE, PDEA-RO, 1st and 2nd PMFC, RID, RDEU3 at PDEA-R3.
Nakabili ang police poseur-buyer sa dalawang suspek ng hinihinalang shabu na nakalagay sa dalawang kulay berdeng plastic tea bags na may marking na Chinese Pin Wei, gamit ang 19 na bungkos ng ‘boodle money’ na tig-P1,000 bill.
Agad na inaresto ang dalawang suspek at doon nakita ang mga nakatali na 10-pirasong transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na aabot sa 3-kilo ang timbang na may street value na P20.4-M, kasama ang 2 cellphone ng mga suspek na gamit umano nila sa ilegal na gawain. - Doris Franche