Duterte, nagpalabas ng EO sa paggamit ng nuclear power

Inatasan ni Duterte ang Nuclear Energy Program-Inter Agency Committee (NEP-IAC) na gumawa ng rekomendasyon at palawakin pa ang pag-aaral kung maaari pang gamitin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) at maging daan ito sa pagtatayo ng iba pang pasilidad para sa paggamit ng nuclear energy.
File

MANILA, Philippines — Nagpalabas si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng executive order (EO) na naglalayong gamitin ang nuclear power bilang energy source kasama ang iba pang alternatibong energy resources.

Sa EO 164 na nilagdaan ni Duterte, nais nito na magkaroon ng pambansang posisyon para sa Nuclear Energy Program na magiging daan sa pag-unlad ng bansa at maibi­gay sa mga mamamayan ang tunay na serbisyo.

Inatasan ni Duterte ang Nuclear Energy Program-Inter Agency Committee (NEP-IAC) na gumawa ng rekomendasyon at palawakin pa ang pag-aaral kung maaari pang gamitin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) at maging daan ito sa pagtatayo ng iba pang pasilidad para sa paggamit ng nuclear energy.

Nais din ni Duterte na gumawa ang Department of Energy ng  Nuclear Energy Program bilang bahagi ng Philippine Ener­gy Plan sa tulong ng NEP-IAC.

Nakasaad din sa EO na ang nuclear power ang posibleng maging solus­yon sa tumataas na panga­ngailangan sa suplay ng enerhiya kung saan ikokonsidera ang mga natutunan sa nakaraan at maging ang mga sinusunod na regulatory frameworks at best practices sa ibang bansa.

Ayon pa sa EO, titiyakin ng estado ang tahimik na paggamit ng nuclear technology kung saan ikokonsidera ang kaligtasan ng publiko, national security, energy self-sufficiency at ma­ging ang pangangalaga sa kalikasan.

Binanggit din sa EO na base sa Public Perception Survey tungkol sa Nuclear Energy noong 2019, luma­labas na 79% ng mga Filipinos ay sumusuporta sa posibleng paggamit at rehabilitasyon ng kasalukuyang nuclear power plant samantalang 65% ang sumusuporta sa pagtatayo ng bagong nuclear power plant at 78% ang nakahanda na magkaroon ng kaalaman tungkol sa nuclear energy.

Show comments