MANILA, Philippines — Nasa 12.2 milyong Pinoy ang nananatiling jobless o walang trabaho sa nagdaang buwan ng Mayo 2021, batay sa pinakuling survey ng Social Weather Station (SWS)
Gayunman, ang naturang bilang umano ng mga jobless noong Mayo ay mas mababa kung ikukumpara noong Nobyembre 2020 survey.
Ayon sa SWS, ang adult joblessness rate noong Abril 28 hanggang Mayo 2 ay pumalo sa 25.8 porsyento ng labor force. Ito ay mas mababa kung ikukumpara sa ginawang survey noong Nobyembre 2020 na nasa 27.3 porsyento o 12.7 milyong Pinoy ang jobless dulot ng pandemya.
Ang jobless ay nakapaloob sa boluntaryong pag-alis sa trabaho, naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon at pagkawala ng trabaho dahil sa epekto ng pandemic.
Ayon sa SWS ang joblessness ay bumaba sa Balance Luzon na mula 32.7% noong Nobyembre 2020 ay naging 24.2% nitong Mayo 2021. Bumaba rin sa Metro Manila na mula 37.8% noong Nob. 2020 ay naging 30.8% noong Mayo 2021.
Tumaas ang mga jobless sa Visayas na mula 19.1% noong Nob. 2020 ay naging 28.7% noong Mayo 2021. Tumaas din sa Mindanao na mula 17.0% noong Nob 2020 ay naging 23% noong Mayo 2021.