Impeach Leonen, simula na

MANILA, Philippines — Uumpisahan ngayong araw ang pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Gayunman, nilinaw ni 2nd District Rizal Rep. Juan Fidel Nograles, Vice Chairman ng House Committee on Justice na hindi muna ipatatawag si Leonen sa nasabing pagdinig.

Ang House Committee­ on Justice na pinamu­munuan ni 3rd District Leyte Rep. Vicente “Ching “ Veloso III ang na­atasan ng liderato ng Ka­mara na maglitis sa impeachment complaint.

Ayon kay No­grales, tanging ang inisyal na bahagi lamang ng pagdinig ang kanilang tatalakayin at mula dito’y  maglalatag ng mga panuntunan sa pag­dinig.

Kabilang sa tutukuyin ng Justice Committee ay kung may “sufficient in form and substance” ang reklamong impeachment laban kay Leonen.

Tiniyak naman ng mambabatas na ang gagawing pagdinig ng komite ay hindi hahaluan ng pulitika at ibabase sa bigat ng mga ebidensyang ihaharap laban kay Leonen.

Si Leonen ay sinampahan ng impeachment ni Atty. Larry Gadon dahil umano sa kabiguan nitong maghain ng kaniyang Assets Liabilities and Net Worth sa loob ng 15 taon sa panunungkulan nito sa University of the Phi­lippines  (UP) College of Law.

Bukod dito, inaaku­sahan din si Leonen nang pag-upo o mabagal na pagresolba sa iba’t ibang mga kasong hinawakan sa kanyang dibisyon at sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).

Si Leonen ang nagsulat ng desisyon na nagbabasura sa electoral protest ni dating Senador Bongbong  Marcos  laban sa ka­­tunggali nitong si Vice Pre­sident Leni Robredo na nagwagi sa 2016 national elections.

Show comments