P60 milyong puslit na sigarilyo, nasabat

MANILA, Philippines — Umaabot sa P60 mil­yong halaga na puslit na sigarilyo ang nakumpiska ng Bureau of Customs-Manila International Container Port (BOC-MICP), kamakailan.

Kinumpiska ng bureau, sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng MICP ang 2x40 containers na naglalaman ng may 2000 master cases ng smuggled cigarettes.

Ang naturang shipments ay mula sa China at naka-consigned sa Green Nature Alliance Ventures Corp. at Atlantic Globe Movers Inc na unang idineklara na nag­lalaman ng 1,134 karton ng Zhong Su brand pe stretch film at 74 pakete ng lowering device packing equipment.

Gayunman, sa isina­gawang physical examination, natuklasang naglalaman ang mga ito ng 2000 master cases ng sigarilyo na may brands na Fortune, Mighty at Marvel.

Isang warrant of seizure and detention (WSD) ang inisyu laban sa shipment at nagsasagawa na ang mga otoridad ng masusing imbestigasyon laban sa consignees para sa posibleng paghahain ng kaso.

Show comments