Mga presong Chinese pinadadala sa Pinas para magtrabaho

Sa kanilang liham kay Chinese Ambassador Huang Xilian na may petsang Oktubre 20, hiniling ni William Espinosa, group convenor na linawin ang seryosong isyu at maging patas sa pagtrato sa mga manggagawang Pilipino.
AFP

MANILA, Philippines — Lumiham ang grupong Kilos Pinoy Para sa Pagbabago (KPPP) sa embahada ng China na tingnan ang ulat na nagpadala ang kanilang bansa ng mga bilanggong Tsino para sumailalim sa ‘forced labor’ sa mga proyektong nakopo ng kanilang mga kontraktor sa Pilipinas.

Sa kanilang liham kay Chinese Ambassador Huang Xilian na may petsang Oktubre 20, hiniling ni William Espinosa, group convenor na linawin ang seryosong isyu at maging patas sa pagtrato sa mga manggagawang Pilipino.

Lumabas ang usapin sa ginawang pagdinig sa Senado kaugnay sa pagkakatuklas na 45 porsiyento ng mga manggagawa sa proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Binondo-Intramuros Bridge project ay pawang mga Chinese workers habang 31 porsiyento naman nila ang gumagawa sa Estrella Pantaleon project.

Nakasaad pa sa liham ng KPPP na bagama’t isa sa layunin ng pamahalaan sa isinulong na Build, Build, Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapagkalooban ng trabaho ang mga manggagawang Pilipino at maiangat ang ekonomiya ng bansa, sa nangyayari aniya ay mukhang hindi mga manggagawang Pinoy ang nabibigyan ng pabor.

Show comments