Sa paglabag sa quarantine protocols
MANILA, Philippines — Nasa 34 katao kabilang ang isang German diplomat ang dinakip matapos na salakayin ng mga operatiba ng Makati Police ang isang rooftop bar dahil sa mga paglabag sa umiiral na health protocols sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Makati Police Station-Substation 6, sa pangunguna ni P/Captain Judge Rowe Donato, dakong alas-10:00 ng gabi nang lusubin nila ang Kartel Rooftop Bar na matatagpuan sa ika-4 na palapag ng Building 5921, sa Algier St., Barangay Poblacion, Makati City dahil sa paglabag sa Makati City Ordinance 2020-76 o Extended Curfew Hour, Social Distancing, (in relation to General Community Quarantine (GCQ).
Sa ulat, nag-iinuman ang mga kustomer na kinabibilangan ng diplomat na si George Maue, German national nang walang physical distancing at iba pang paglabag.
Nasa 33 pang indibidwal na kinabibilangan ng tatlong Korean, tatlo pang Deutsch (German) nationals, isang American, isang Kazakhstan at 25 Pinoy ang dinakip din sa lugar.
Sa police station, ang lahat ay inisyuhan ng Ordinance Violation Receipts kaugnay sa kanilang mga paglabag at ala-1:00 ng madaling araw ay isa-isa silang pinalaya.