TF na tututok sa PhilHealth anomalies buuin na — Duterte
MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglikha o pagtatatag ng inter-agency task force na mag-iimbestiga sa anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, inatasan ng Pangulo ang pagbuo ng task force na kinabibilangan ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary, Undersecretary Jesus Melchor Quitain ng Office of the Special Assistant to the President, at Presidential Anti-Corruption Commission.
Maliban sa pagsasagawa ng imbestigasyon, may otoridad din ang Task Force na magsagawa ng lifestyle checks, magsuspinde ng mga opisyal at empleyado, kasuhan at ipakulong ang mapatutunayang dawit sa anomalya.
Ang desisyon ng Pangulo ay matapos sumingaw ang alegasyon laban sa mga PhilHealth officials na di umano’y nakapagnakaw ng P15 bilyon mula sa state health insurer sa pamamagitan ng ilang mapanlinlang na pamamaraan.
Nauna rito, sinabi ni Senador Bong Go na inirekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglikha ng task force na mag-iimbestiga sa mga anomalyang nakapalibot sa ahensiya.
- Latest