Gordon: Doble-plaka law, ipatupad na vs riding-in-tandem

Ayon kay Senador ­Richard Gordon, pangunahing otor Motorcycle Crime Prevention Act of 2019, na kahit isinailalim sa enhance community quarantine (ECQ) ang maraming lugar sa bansa, hindi pa rin nasugpo ang riding-in-tandem kaya’t dapat nang ipatupad ang naturang batas upang mapigilan ang krimen na isinasagawa ng mga kriminal na sakay ng motorsiklo.
STAR/Geremy Pintolo, file

MANILA, Philippines — Upang maiwasan na ang riding-in-tandem kil­lers na tumindi sa panahon ng pananalasa ng corona virus disease (COVID-19) ay agad nang ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) ang batas na magla­lagay ng dobleng plaka, isa sa likod at isa sa harapan ng motorsiklo.

Ayon kay Senador ­Richard Gordon, pangunahing otor Motorcycle Crime Prevention Act of 2019, na kahit isinailalim sa enhance community quarantine (ECQ) ang maraming lugar sa bansa, hindi pa rin nasugpo ang riding-in-tandem kaya’t dapat nang ipatupad ang naturang batas upang mapigilan ang krimen na isinasagawa ng mga kriminal na sakay ng motorsiklo.

“Natapos at naaprubahan na ang implementing rules and regulations ng batas, bakit hindi pa ito ipinatutupad?,” dagdag ni Gordon.

Base sa monitoring na isinagawa ng tanggapa ni Gordon, umabot sa 112 biktima ang napatay ng motorcycle-riding gunmen mula Enero 1 hanggang Hulyo 5.

Pinakahuling nangyari ang pagpatay kay ­Executive Master Sergeant Arnold Paclibar sa Sultan Kudarat at Aladdin Alon sa Maguindanao.

Kapwa sila pinatay habang nagbabantay sa checkpoint sa kanilang lugar noong Hulyo 3. Nitong Hulyo 2, isang kinse anyos na babae ang pinatay sa Cabugao, Ilocos Sur habang papauwi ng kanilang bahay mula sa istasyon ng pulisya matapos siyang maghain ng molestation complaint laban sa dalawang pulis sa San Juan town.

 “Ang pinalakihan ay ‘yung plaka o number plate sa likod pero ‘yung sa harap decal o sticker na ikakabit to fit the model of the motorcycle. Ang purpose nito ay para madaling matandaan ng mga saksi ‘yung plate number ng motorsiklo kapag ginamit sa krimen,” dagdag niya.

Nagpalabas ng memorandum ang LTO na pansamantalang ipinatitigil ang implementasyon ng batas dahil sa kawalan ng license plates at stickers na pina­tindi pa ng COVID-19.

Show comments