Patrol ship ng Pinas nasunog sa India, 2 sugatan

MANILA, Philippines — Kapwa nasugatan ang dalawang personnel ng Philippine Navy (PN) matapos na magkaroon ng sunog sa Phl patrol vessel na BRP Ramon Alcaraz (PS16), ilang oras matapos itong umalis sa Port of Cochin, India at maglayag na pabalik sa Pilipinas noong Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Lt Commander Maria Christina Roxas, Acting Director ng Naval Public Affairs Office, ang dalawang PN personnel ay nagtamo ng 2nd degree burn sa pag-apula ng sunog sa BRP Ramon Alcaraz.

Sa ulat, naka-convoy sa BRP Ramon Alcaraz ang BRP Davao del Sur (LD602) nang mangyari ang insidente. Nagsimula ang apoy sa main engine room kung saan mabilis namang nagresponde ang Rapid Response Team ng Phil. Navy na naapula ang sunog sa loob lamang ng mahigit 10 minuto.

Sa nasabing insidente ay dalawang personnel ang nasugatan habang nagtamo ng bahagyang pinsala ang mga kagamitan ng barko.

“Both sailors sustained second degree burns. The victims are to be airlifted to a naval hospital in Cochin, India for extensive medical attention,” pahayag ng opisyal. 

Show comments