VCO kontra COVID-19 susubukan ng DOH

MANILA, Philippines — Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na bukas siya sa posibilidad na pag-aralan ang paggamit ng virgin coconut oil (VCO) bilang panlaban sa  coronavirus disease (COVID-19).

Agad niyang isusumite sa panel of experts sa sandaling maibigay sa kaniya ang isinasagawang pagsusuri sa VCO.

“Kung malinaw yung batayan nila, ‘yung clinical trials nila, kaila­ngan natin makuha ‘yung ka­nilang documents, ‘yung studies para imungkahi sa clinical management ng COVID-19. Ano ba ‘yung kanilang pinaggamitan para masabing may antiviral properties. Kaila­ngang malinaw ‘yon,” ani Duque.

Una nang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na pangungunahan ng Filipino academician ang pag-aaral kung saan isasagawa sa National University of Singapore ang test ng VCO laban sa  COVID-19.

“Mas maganda hintayin na lang natin ‘yung sa Singapore. At least, puwedeng i-validate lang natin pag tayo naman ang magsagawa ng testing. Makakatulong ‘yung kanilang mga initial results from Singapore,” ani Duque.

Nabatid na may mga pag-aaral na isinagawa na lumalabas na posibleng epektibo sa mga bacteria, at sa certain types of bacteria at viruses. 

Subalit, sinabi ni Duque na hindi pa sila sigurado kung anong klase ng virus ang mapapagaling ng VCO.

Show comments