Miyembro ng ‘akyat bahay’napatay ng sekyu

MANILA, Philippines — Isang pinaniniwalaang notoryus na miyembro ng Akyat Bahay gang ang napatay ng sekyu matapos pagnakawan ang isang tahanan sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat, alas-12:05 ng madaling araw ay naka­tanggap ng tawag sa telepono sa main gate sina Roy Roman Tenorio, 38; at tinukoy sa pa­ngalang Daluyong; pawang mga security guard na naka­talaga sa Filinvest 2 Subdivision­, Brgy. Batasan Hills, Que­zon City mula kay Sunshine Perez na ipi­nabatid na pinasok sila ng Akyat Bahay.

Ilang saglit pa ay isa pang residente na kinilala namang si Espi Calubaquib ang nagreport na ninakawan din sila ng hindi pa nakilalang ak­yat bahay ng P 2,000.00 cash at dalawang cellphones.

Agad na sinuri ng dalawang guwardiya ang CCTV recording at mula rito’y nakita ang deskripsyon ng suspek.

Bandang alas-4:00 na­man ng madaling araw habang nagsasagawa ng roving patrol si Tenorio nang maispatan ang suspect na kahina-hinalang gumagala sa Baker Street at ng sitahin ay akmang hahambalusin ng tubo at sasaksakin ang nasabing sekyu.

Nagawang makaiwas ni Tenorio na agad binunot ang kanyang cal 9 Mm service pistol pero na­kipag-pambuno rito ang suspect hanggang sa pu­mutok ang baril na tumama sa kanang hita ng tumatakas na suspect.

Hinabol ng dalawang sekyu ang duguang suspect na namatay  malapit sa no. 34 Doña Juliana Street ng nasabing subdibisyon at narekober ang dalawang nakaw na cellphone at isang bali­song.

Show comments