MANILA, Philippines — Napatay ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng kidnap-for-ransom makaraang mauwi sa engkuwentro ang paghahain ng search warrant ng pinagsanib na PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) at lokal na pulisya kahapon ng madaling araw sa Indang, Cavite.
Isa sa mga nasawing suspek ay nakilala sa pangalan lamang nitong Vince alyas Pigsa, henchman ng Pacia kidnapping for ransom (KFR) gang habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa nitong kasama.
Nakatakas naman ang suspek na si dating P/SSergeant Magdaleno Pacia Jr., lider ng Pacia KFR gang.
Sa ulat, bandang alas-2:48 ng madaling araw nang maghahain ng search warrant ang mga operatiba ng PNP-AKG, Regional Intelligence Division (RID) ng CALABARZON Police at Cavite Police sa safehouse ng grupo ni Pacia sa Brgy. Kayquit 1, Kayquit Road, Indang, Cavite kaugnay ng kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban kay Pacia.
Subalit, nanlaban umano ang mga suspek na nauwi sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig kung saan sa palitan ng putok na tumagal ng ilang minuto ay napatay ang tatlong suspek.
Ayon naman kay Cavite Police Provincial Office (PPO) Director Police Colonel William Segun ang mga suspek ay matagal nang minamanmanan kaugnay ng pagkakasangkot sa serye ng kidnapping for ransom sa Pasay City na ang target ay mga Chinese national.
Narekober naman sa pinangyarihan ng shootout ang isang M16 rifle, isang Beretta 9 MM at isang cal .45 na baril, isang kulay pulang Suzuki Ertiga na walang plaka at conduction sticker.
Si Pacia, isang nadismis na pulis ay nakatakas sa raid ng mga operatiba sa bahay nito sa Brgy. Pulang Lupa Uno sa Las Piñas City noong Hulyo 5 ng taong ito kung saan nakasamsam ng P1.3-M cash, sari-saring mga armas, bala at granada.