Tserman na ex-ABC prex, itinumba

MANILA, Philippines — Isang incumbent barangay chairman na dating pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) ang hindi na umabot pang buhay sa pagamutan habang sugatan naman ang misis nito matapos pagbabarilin ng isang riding-in-tandem sa Brgy. Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, kahapon ng umaga.

Ang nasawing biktima ay si Brgy. Bintan Chairman Guiamadil Ambel, habang sugatan naman ang misis nito na si Saida Uttoh, 45-anyos kapwa residente ng nabanggit na barangay sa bayan ng Talitay.

Sa ulat, dakong alas-7:40 ng umaga kahapon habang sakay ang mga biktima sa kanilang service na Hilux mula sa Talitay at patungo sana sa Cotabato City nang pagdating sa nasabing lugar ay biglang sumulpot ang mga suspek at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima.

Nagawa pang maisugod sa Notre Dame Hospital sa Cotabato City ang mag-asawa ngunit idineklarang patay si Ambel habang agad namang nilapatan ng lunas ang asawa nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang kaso.

 

Show comments