Batas vs nambabastos ng mga kababaihan pirma na lang ni Duterte ang kulang

Nakasaad sa panukala, ituturing na gender-based street and public spaces harassment ang wolf-whist­ling, cat-calling at mga katulad na bagay.
The STAR/Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Pigilan na bastusin ang nakukursunadahang babae kung ayaw mong makulong at magmulta.

Ito ay makaraang ratipikahan ng Kamara ang panukalang batas na magpapataw ng mahigpit na parusa sa mga sisipol at iba pang uri ng pambabastos sa mga kababaihan na ipapadala kay Pangulong Duterte para mapirmahan at maging ganap nang batas.

Nakasaad sa panukala, ituturing na gender-based street and public spaces harassment ang wolf-whist­ling, cat-calling at mga katulad na bagay.

Ang sinumang lalabag dito ay pagmumultahin ng  P10,000  at 12 oras na community service at Gender-Sensitivity Seminar sa Philippine National Police (PNP,) habang sa ikalawang paglabag ang multa ay P20,000 at kulong na hanggang 30 araw. Sa ikatlo ay P30,000 multa at kulong ng 30 araw.

Ang mga maglalabas naman ng ari o gagawa ng offensive body gesture ay pagmumultahin ng P30,000 at 12 oras na community service at seminar.

Sa ikalawang paglabag ay hanggang 30 araw na kulong at P40,000 multa at sa ikatlo ay P50,000 multa at isa hanggang anim na buwang pagkakakulong.

Habang ang manghihipo naman ay parurusahan ng P100,000 multa, hanggang 30 araw na kulong sa unang paglabag at seminar.Sa ikalawa ay P150,000 multa at kulong na isa hanggang anim na buwan. Sa ikatlo ay P200,000 multa at isa hanggang anim na buwang kulong.

Ang gender-based online harassment naman o sexual harassment sa pamamagitan ng internet ay may parusang P100,000-P500,000 multa at kulong na anim na buwan hanggang anim na taon.

Show comments