Satisfaction rating ni Duterte balik sa ‘very good’

MANILA, Philippines — Bumalik sa “very good” ang satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa survey na isinagawa ng Social Weather Station sa ikatlong quarter ng taon.

Ang survey ay isinagawa mula Setyembre 15 hanggang 23 kung saan lumabas na 70 porsiyento ng mga Pinoy ay satisfied sa trabaho ni Duterte.

Tumaas ang rating ng Pangulo kumpara sa kanyang 2018 gross satisfaction rating noong Hunyo na 65 porsiyento.

Base sa resulta ng pinakahuling survey, sa 1,500 na adult respondents, 70 porsiyento ang satisfied, 14 porsiyento ang hindi desidido, at 16 ang “dissatisfied.”

Dahil dito, mula sa “good” o +45 sa ikalawang quarter ng taon, naging “very good” +54 o tumaas ng siyam na puntos ang performance rating ng Pangulo.

Base sa methodology na ginagamit ng SWS para sa net satisfaction ratings, ang score ng 70 pataas ay itinutu­ring na “excellent”, ang 50 hanggang 69 ay very good, ang 30-49 ay good, at ang 10-29 ay moderate.

Ang survey ay isinagawa isang linggo matapos ihayag ng gobyerno ang pagtaas ng inflation na pumalo sa 6.4 percent.

Show comments