Ama ginawang sex slave ang anak, timbog

MANILA, Philippines — Sa selda ang bagsak ng isang ama matapos siyang arestuhin ng mga otoridad makaraang gawin nito umanong ‘sex slave’ ang sariling anak na babae sa lungsod ng Parañaque.

Humihimas na ngayon sa rehas ng Parañaque City Police detention cell ang suspek na si Laurence Hedorio, 50, taga Area B, Airport Village, Brgy. Moonwalk ng naturang lungsod.

Ang biktima naman ay itinago sa pangalang ­‘Alyana’, 17, grade 10 student at residente ng naturang lugar.

Ayon sa ulat na natanggap ng hepe ng Parañaque City Police na si Sr. Supt. Victor Rosete, nabatid na simula pa noong 2015 ang ginagawang panggagahasa ng suspek sa biktima sa tuwing ito ay nag-iisa sa kanyang kuwarto.

Palagi umanong tinatakot ng suspek ang biktima na may masamang mangyayari sa kanya kapag hindi ito pumayag.

Nitong Huwebes, alas-2:00 ng madaling araw sa loob ng kuwarto ng biktima sa naturang lugar ay muling isinagawa ng suspek ang panghahalay sa sariling anak habang mahimbing itong natutulog.

Sa kabila nang pagpupumiglas ng dalagita ay nagawa pa rin itong mapagsamantalahan ng sariling ama.

Halos maiyak sa galit ang biktima nang magreklamo ito sa tanggapan ng Parañaque City Police hinggil sa sinapit nito mula sa kamay ng sari­ling ama.

Dito na nagkasa nang follow-up operation ang mga pulis, na nagresulta nang pagkakadakip sa suspek na si Laurence, na nahaharap nga­yon sa kasong Rape.

Show comments