P2.56-B droga winasak sa Cavite

Sa pangunguna ni PDEA Director General Aaron Aquino, winasak sa nasabing ‘destruction ceremony’ ang P2, 560, 028, 001. 60 na kabuuang halaga ng illegal drugs sa Integrated Waste Management Inc sa Brgy. Aguado, Trece Martirez City, Cavite.
File

MANILA, Philippines — Tumataginting na P2.56-bilyong halaga ng iligal na droga na nasabat sa serye ng operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang ‘ceremonial destruction’ sa lalawigan ng Cavite nitong Biyernes.

Sa pangunguna ni PDEA Director General Aaron Aquino, winasak sa nasabing ‘destruction ceremony’ ang P2, 560, 028, 001. 60 na kabuuang halaga ng illegal drugs sa Integrated Waste Management Inc sa Brgy. Aguado, Trece Martirez City, Cavite.

Una nang ipinag-utos ng korte sa PDEA ang pagwasak sa mga nakumpiskang iligal na droga matapos na maiprisinta sa korte bilang ebidensya laban sa mga drug lords at iba pang drug personality na nililitis sa kaso.

Ang mga nilusaw na droga ay binubuo ng sari-saring mga ebidensya na kinabibilangan ng metampheramine hydrochloride o shabu, marijuana, ephedrine, cocaine, toluene, chloromethamphetamine hydrochloride, at mga  expired na gamot na winasak sa pamamagitan ng thermal decomposition.

Nabatid na ito ang ikaapat na beses na nagsagawa ng paglusaw sa mga ebidensyang droga simula nang manungkulan sa puwesto si Aquino may anim na buwan na ang nakalilipas kung saan ay aabot na sa P9.4 bilyong halaga ng iligal na droga ang winasak ng PDEA.

Show comments