EJK, vigilante killings iimbestigahan ng Kamara

MANILA, Philippines -  Dahil sa nangyaring maramihang pagpatay ng mga pulis sa kanilang anti-crime operations tulad na nangyari sa Bulacan, Maynila at pagkamatay ng isang 17-anyos na binatilyo sa Caloocan City na sinabi ng mga pulis na nanlaban, subalit nakita sa CCTV footage na bitbit nila ito bago pinatay ay magsasagawa ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na iimbestigahan ang tumataas na bilang ng extra judicial killings at vigilante killings laban sa mga pinaghihinalaang drug personalities sa bansa.

Ito’y alinsunod sa House Resolution 259 ng  Makabayan bloc solons na hiniling ang  masusing imbestigasyon sa kaso.

Sa nasabing resolusyon ay isinulong ng mambabatas ang imbestigasyon sa extra judicial killings na kinasasangkutan ng mga law enforcement agencies sa gitna na rin ng pinaigting na giyera kontra droga ng pamahalaan upang matuldukan ang problema ng bansa sa bawal na gamot.

Anila, lubhang nakababahala na ang mga nangyayaring pagpatay sa mga drug personalities at duda ang mga ito sa bersyon ng PNP na nanlaban umano ang lahat ng mga suspek kabilang ang isang 17-anyos na binatilyo sa Caloocan City.

Sa tala, sa loob lamang ng  nakalipas na apat na araw ay umaabot sa halos 80 ang napatay na mga drug personalities sa lalawigan ng Bulacan, Maynila at Caloocan City. 

Show comments