Indian national utas sa holdap

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang Indian national matapos pagsasaksakin nang pumalag sa dalawang holdaper na umagaw sa kanya ng bag na may lamang pera kahapon ng umaga sa Malabon City.

Ang nasawi dahil sa saksak sa leeg ay kinila­lang si Joginder Singh, 45, ng J. P. Rizal Avenue, Barangay Taniong ng lungsod.

Batay sa imbestigasyon, bago nangyari ang krimen dakong alas-7:00 ng umaga ay papauwi na ang biktima angkas ang bayaw na si Pardeev Singh mula sa paniningil ng “5-6” sa Remigio St., Brgy. Maysilo nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki na sakay din ng motorsiklo at pilit na inagaw ang bag.

Tumanggi ang biktima na ibigay ang bag kaya bumunot ng patalim ang isa sa dalawang suspek at tinarakan ng ilang beses sa leeg si Joginder na nabuwal at bumagsak sa kalye.

Tumakas si Pardeev sakay ng motorsiklo upang tumawag ng mga pulis at maiwasan na siya ang isunod na saksakin ng mga suspek.

Hindi na naabutan ng mga pulis ang dalawang suspek habang duguang nakabulagta ang biktima.

Show comments