MANILA, Philippines - Kinansela na ng gobyerno ang ika-limang round ng peace talks sa CPP-NPA-NDF dahilan na rin sa marahas na kautusan ng mga lider ng komunistang grupo na pag-ibayuhin pa ang paghahasik ng terorismo sa Mindanao.
Ito’y sa gitna na rin ng deklarasyon ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong rehiyon ng Mindanao na ayon sa CPP-NPA-NDF ay ang kanilang grupo ang target.
Ang pagkansela sa usapang pangkapayapaan ay inihayag ni Presidential Peace Adviser Secretary Jesus Dureza.
Ipinunto rin n Dureza ang patuloy na pag-atake ng New People’s Army ay naglalagay sa alanganin sa isinusulong na usapang pangkapayapaan.
Tiniyak rin ni Dureza na hindi magpapatuloy ang nakatakda sanang ika-limang round ng peace negotiations hangga’t walang malinaw na indikasyon na makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng negosasyon.
Nakatakda sanang ganapin ang ika-limang round ng peace talks sa Netherlands sa Mayo 27 hanggang Hunyo 1.