Lolo na dawit sa droga, itinumba

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 60-anyos na lolo na umano ay sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang salarin sakay ng motorsiklo, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Ang nasawi ay kinila­lang si Josefino Morales, tricycle driver, ng No. 162 Progreso Street, Brgy. 151 Bagong Barrio ng lungsod.

Batay sa ulat, bago naganap ang pamamaril sa biktima dakong alas-2:30 ng madaling araw sa kahabaan ng North Diversion Road, Brgy. 141 Bagong Barrio ay pinapasada nito ang kanyang  tricycle nang dikitan ng mga salarin na magkaangkas sa isang motorsiklo at pagbabarilin nang malapitan.

Nasawi noon din ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan habang mabilis na tumakas ang mga salarin. 

Nabatid sa barangay na ang biktima ay kasama umano sa kanilang watchlist sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.

 

Show comments