Rider niratrat ng tandem

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding in tandem ang isang  motorcycle rider  kamakalawa ng umaga sa Malabon City.

Bulagta ang   biktimang si Rommel Bulado, alyas Palakol, 44, empleyado ng Irma Fishing and Trading Inc., at naninirahan sa E. Jacinto Street, Brgy. Concepcion, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat, binabagtas ng biktima ang Governor Pascual Street sa Brgy. Concepcion dakong alas-6:30 ng umaga lulan ng kanyang motosiklo nang bigla siyang harangin ng dalawang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo sa kanto ng Marcelo Street at saka siya pagbabarilin.

Agad na tumakas ang dalawang salarin na kapwa nakasuot ng crash helmet. Blangko pa ang pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin sa naturang insidente.

 

Show comments