MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang isang 19-anyos na dalagang estudyante ng De La Salle University matapos itong mahulog mula sa ika-20 palapag ng gusali ng kanilang eskwelahan kamakalawa ng hapon sa Malate, Maynila.
Basag ang bungo at putol ang braso nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Erika Dimaano, psychology student at residente ng Block 10, Lot 6, Phase 3, Adelina Homes, Barangay San Carlos, Lipa City, Batangas.
Batay sa ulat, nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong alas-5:20 ng hapon sa fire exit stairway sa ground floor ng Brother Andrew Gonzalez Building sa DLSU-Manila, na matatagpuan sa Taft Avenue sa Malate.
Sa salaysay ng isang Warren Justin Ng at security guard na si Alex Marcelo ay nakarinig sila na malakas na kalabog sa nasabing lugar kaya’t tinungo nila ito at nadiskubre ang walang buhay na biktima sa hagdan ng fire exit na nasa ika-3 palapag na may dalang backpack at iba pang mga gamit.
Hinala naman ng pulisya na aksidente ang nangyari ngunit iniimbestigahan pa rin nila kung posibleng nag-suicide ito matapos na makadiskubre ng mga maliliit na papel na may mga nakasulat na quotes at mga tula, na may kinalaman hinggil sa buhay at kamatayan.
Humingi na rin ang mga pulis ng kopya ng mga closed circuit television footage ng unibersidad upang makita kung paano naganap ang insidente. Nabatid na consistent scholar mula sa elementarya hanggang high school ang biktima.