MANILA, Philippines – Shabu at hindi bomba ang laman ng backpack na iniwan ng hindi pa kilalang suspek sa isang bus terminal sa Pasay City kamakalawa.
Batay sa ulat, alas-2:37 ng hapon nang mapansin ng kawani ng Grand Courier Transport Davao Bus Terminal na matatagpuan sa EDSA, Brgy. 152, Zone 16 ang isäng lalaki na hindi mapakali at nagduda sila sa kahina-hinalang kinikilos nito.
Ipinagbigay alam nila sa mga pulis sa pag-aakalang may inilagay itong bomba at sa pagresponde ng mga kagawad ng Special Weapons and Tactics (SWAT), Pasay City Police ay biglang nawala ang lalaki at nang magsagawa ng inspection ay negatibo naman ang lugar sa bomba.
Nang inspeksyunin ng mga kawani na sina Arnold Bobis, 37, assistant dispatcher at Glenn Tamposa, 27, ang isang kulay itim na backpack na nakalagay sa isang bus (MVM-991) number 28, na may biyaheng Davao ay nakita ang dalawang transparent at dalawang kulay pulang plastic na naglalaman ng shabu na nasa anim na kilo at nagkakahalaga ng P30 milyon.
Hinala ng pulisya, na posibleng nataranta ang lalaking magdi-deliver nito dahilan upang abandonahin ang nasabing shabu.