3 niratrat sa Cavite City, utas

MANILA, Philippines – Pinabulagta ang tatlo-katao habang tatlo naman ang nasugatan sa naganap na pamamaril ng apat na kalalakihan sa Barangay Caridad sa Cavite City, Cavite kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga napaslang ay sina Barry Barzaga, 38, construction worker; Carvin Enriquez, 16, kapwa residente ng Yagit Street sa nasabng lungsod; at si Roberto Cruz, 47, na binaril  naman sa breakwater ng De Guzman Street sa Barangay 30.

Tinamaan naman ng ligaw na bala ang mga biktimang sina Amador Labrica, 48, trike driver, ng Barangay 42-C San Antonio, Cavite City; Diesamine Custodio, 21; at si Anna Carolina Pabustan, 29, ng Tabon 3 E. Aldano Street sa Las Piñas City.

Samantala, isa sa apat na suspek ang nakilalang si Airon Cruz ng Barangay 30 sa nasabing lungsod.

Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, magkasama sina Barzaga at Enriquez nang ratratin ng mga suspek sakay ng itim na Mitsubishi Adventure na hindi naplakahan.

Sugatan naman sina Labrica, Custodio Pabustan na lulan ng traysikel na naparaan lamang sa nasabing lugar.

Narekober sa crime scene ang iba’t ibang uri ng basyo ng malalakas na kalibre ng baril at  isang sombrero habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Pinaniniwalaang may kaugnayan sa pamamaslang sa dalawa ang pagpatay naman kay Cruz.

Show comments