Retiradong PNP colonel kinatay ng dating driver

MANILA, Philippines – Napatay ang 77-anyos na retiradong opisyal ng pulisya matapos itong pagsasaksakin ng kanyang dating driver sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang retiradong colonel na si  ex-P/Supt. Cipriano Herrera ng #2015 Severino Reyes Street sa Sta. Cruz, Maynila.

Samantalang tinutugis naman ng pulisya ang itinuturong suspek ang nasibak na driver na si Allan Liwanag, 40, may-asawa.

Si Herrera ay naging station 3 commander sa Manila Police District bago naging chairman sa Barangay 354 sa Zone 36.

Sa ulat ni SPO2 Charles John Duran, naitala ang krimen dakong alas-3:55 ng madaling araw sa kusina ng bahay ng  biktima na naisugod naman sa Metropolitan Medical Center subalit namatay bandang alas-5 ng umaga.

Nabatid na sinibak ng biktima ang driver na si Liwanag dahil sa madalas na pagsa-sideline at napapabayaan ang trabaho at obligasyon sa kaniya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dumaan sa fire exit ng bahay ang suspek kung saan maagang gumigising ang biktima para magkape.

Sa mga nakalap na impormasyon ng pulisya sa mga kapitbahay, walang kaaway ang matandang pulis maliban sa nakikita nilang pinagagalitan at madalas murahin ang da­ting driver dahil hindi nagagampanan ang kaniyang trabaho.

May impormasyon ang pulisya na sinasabing gumagamit ng iligal na droga ang suspek.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek at i­nalarma na rin ang PNP-Highway Patrol Group matapos tangayin ang itim na Ford Escort (ACA 1295) ng biktima.

Show comments