Olongapo City nagwagi ng 3 karangalan sa Gawad Kalasag

MANILA, Philippines - Pinuri ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino ang tatlong tanggapan ng pamahalaang lungsod na nagwagi ng mga pangunahing karangalan sa katatapos na Gawad Kalasag 2015 sa Clark, Pampanga kamakailan.

Ang Olongapo ay pinarangalan bilang Best City Disaster Risk Reduction Management Office (Highly Urbanized Category); habang ang Olongapo Fire Department ay nagwagi naman bilang Best in Government Emergency Response Management (Urban Search and Rescue Category) at ang James L. Gordon Memorial Hospital bilang Best Hospital (Government Category).

“Ang paghahanda ay mas mabisa kumpara sa paggamot. Napaganda na namin ang ilan sa mga kagamitan namin at nakabili na kami ng bagong ambulansya at rescue truck para higit na mapalakas ang kakayahan ng aming pagtugon sa emergency,” wika ni Paulino.

Ang Olongapo City-DRRMO ay kabilang na sa Hall of Fame, at patuloy pa na pinalalakas ang kakayahan nito sa pagtugon sa iba’t ibang emergency response.

Unang pagkakataon na tumanggap ng karangalan ang James Gordon Memorial Hospital.

 

Show comments