Bangkay nakaladkad hanggang terminal... Driver nabuking sa hit and run

MANILA, Philippines - Hindi natakasan ng isang aircon bus driver at konduktor nito ang ginawa nilang krimen matapos ang isa sa dalawang lalaki na kanilang nasagasaan at tinakbuhan ay pumailalim sa bus kamakalawa sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas.

Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa  pangalang N. Dol, driver ng DLTBCo air-con bus na may plate number na TYZ-115.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Resbel Sarmiento, 28, production operator at Joffrey Placido 34.

Batay sa ulat, dakong alas-3:00  ng madaling araw sa kahabaan ng Daang Maharlika highway, San Rafael, Santo Tomas, Batangas ay naglalakad sina Sarmiento at Placido nang sila ay masalpok ng bus na minamaneho ng suspek.

Sa halip na hintuan at tulungan ay pinasibat ng driver ang kanyang bus na lingid sa kanyang kaalaman ay sumabit sa ibaba ng sasakyan ang bangkay ni Placido habang naiwan sa daan ang lasog na  katawan ni Sarmiento.

Ang katawan ni  Placido ay nakaladkad hanggang sa terminal ng bus sa Brgy. Turbina, Calamba City, Laguna at dito na ito napansin ng driver kaya’t tumakas ito kasama ang kanyang konduktor na inaalam pa ang pangalan.

 

Show comments