Selosong pulis nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines – Matinding selos sa misis na guro ang naghari sa puso ng isang pulis kaya’t nagawa nitong barilin ang sarili kamakalawa sa Tacloban City, Leyte.

Kinilala ni Sr. Supt. Domingo Cabillan, Director ng Tacloban City Police ang nasawing biktima na si SPO2 Ariel Golong Jacobe, 43, naninirahan sa Lolita Village, Tacloban City at nakatalaga sa Regional Headquarters Support Group (RHSG) ng Police Regional Office (PRO) 8.

Lumalabas sa ulat na bago ang insidente na naganap dakong alas-3:15 ng hapon sa ikalawang palapag ng Janica Restaurant ay sinundan ng pulis ang kaniyang misis na isang guro na dumalo sa isang English Literary Seminar Workshop na ginaganap sa lugar.

Gayunman, ilang saglit pa ay naupo ito saka binunot  ang  cal 9 MM beretta pistol service firearms at itinutok sa kanang sentido at ipinutok.

Lumalabas na may problema umano ang relasyon ng mag-asawa na 20 taon nang nagsasama at may limang anak.

Show comments