Trillanes, Mercado kinasuhan ni Binay ng libel

MANILA, Philippines - Naghain kahapon ng panibagong kasong libelo si Vice President Jejomar Binay laban kina Senador Antonio Trillanes IV at dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado dahil sa walang humpay na pagsira sa kanyang pagkatao.

Sinabi ni Joey Salgado,hepe ng Media Affairs ng Office of the Vice President, magkahiwalay na kasong libelo ang inihain laban kina Trillanes at Mercado sa Makati Regional Trial Court dahil sa mga mali, malisyoso at nakakasisirang akusasyon laban sa Bise Presidente.

Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso laban kay Trillanes dahil sa akusasyon na maanomalya ang Senior Citizens Program sa Makati habang kay Mercado ay ang naging pahayag na may iregularidad ang transaksyon ng Boy Scout of the Philippines sa Alphaland.

Dahil sa naniniwala sa criminal justice system, ang paghahain ng libel case ng Bise Presidente ay ang tama umano niyang pamamaraan upang mapatunayan na mga nag-aakusa sa kanya ay mga sinungaling at oportunista.-Ellen Fernando.

Show comments