Wanted na holdaper tiklo

MANILA, Philippines - Nasakote ng mga otoridad ang isang wanted at notoryus na holdaper na nambibiktima ng mga call center agent sa Makati City. 

Kinilala ni Police Sr. Supt. Ernesto T. Barlam, hepe ng Makati City Police ang akusadong si Anselmo De Jesus Carino “alias Bong Bong”, 42, binata, taga #9210 Pateros St., Barangay Valenzuela ng naturang lungsod.

Nadakip si Carino dakong alas-5:20 ng hapon sa panulukan ng Pateros St., at Osmeña Highway, Barangay Valenzuela  ng operatiba ng Intelligence Division sa bisa ng warrant of arrest na  inisyu ng Makati City Regional Trial Court, Branch 62.

Base sa record ng pulisya, itinuturing na number 2 most wanted criminal ng Makati City si Carino at kilabot na miyembro  ng “tutok kalawit gang” na kadalasang binibiktima ay mga call center agent.

Ang naturang akusado ay nahaharap sa kasong robbery.

Show comments