3 bata nilamon ng ilog

MANILA, Philippines - Tatlong bata ang ni­lamon ng ilog matapos malunod  ang mga ito sa ilog sa Brgy. Dayao, Roxas City, Capiz.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang mga biktimang sina John Michael Antonio, 11; Gerry Libo-on, 10; at Kent John Astrolabio, 6; pawang residente ng Brgy. Dayao.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:00 noong Linggo ay nagkatuwaang maligo sa ilog ang tatlong bata na hindi umano nagpaalam sa kanilang mga  magulang.

Unang tumalon  sa ilog ang 6 anyos na si Kent kung saan napagawi ito sa malalim na bahagi at nalunod.

Nakita siya ng dalawang kasama na sina Gerry at John Michael at  tumalon rin ang mga ito para iligtas ang kaibigan.

Gayunman, nangu­yapit umano si Kent kina Gerry at John Michael  bunsod upang pare-parehong silang malunod.

Nakita naman ng ilang lokal na residente ang mga bata kaya lumundag rin ang mga ito sa ilog para sagipin ang mga biktima.

Nang masagip ay agad dinala sa ospital, subalit kapwa idineklarang dead on arrival.

Show comments