Parak bulagta sa tandem
MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) ang isang pulis nang ito ay pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects sa parking lot ng isang sabungan kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Ang nasawi ay kinilalang si SPO2 Gilbert Peralta, nakadestino sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Quezon City, nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo at dibdib.
Ayon kay Senior Superintendent Roberto Fajardo, hepe ng CIDG’s National Capital Region (NCR) na patuloy pa nilang inaalam ang motibo ng pagpatay kay SPO2 Peralta.
Ayon sa otoridad si SPO2 Peralta ay nagsasagawa umano ng surveillance operations sa lugar nang ito ay pagbabarilin ng malapitan ng mga suspek.
Subalit, ayon sa source, si SPO2 Peralta ay siya umanong sponsor ng cockfighting derby sa San Roque cockpit arena na matatagpuan sa Barangay San Roque noong Miyerkules ng gabi.
Nabatid na patungo si SPO2 Peralta sa kanyang asul na Toyota Fortuner na nakaparada nang ito ay lapitan ng gunman at pagbabarilin sa ulo at dibdib.
Kaswal lang na naglakad ang gunman at tinungo ang kasama na naghihintay at driver ng kulay gray na motorsiklo at tumakas patungo sa Marcos Highway.
Ayon sa mga saksi na walang plaka ang motorsiklo ng mga suspek.
- Latest