Nanghipo sa lover ng kaibigan, inutas

MANILA, Philippines - Pinatay sa saksak ang isang 38-anyos na basurero ng kanyang kaibigan habang nag-iinuman matapos na maalala nito ang ginawang panghihipo ng una sa kanyang  live-in partner na naganap kamakalawa sa Sta. Cruz, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Christopher de Jesus, ng Mendoza St., Sta Cruz, Maynila na nagtamo ng 9 na saksak ng ice pick mula sa suspek na si Robin Fernandez, 22, ng no. 1785 Mendoza  St. Sta. Cruz, Maynila.

Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas 11:00 ng gabi sa eskinita malapit sa kanilang tinitirhan ay nagbibiruan pa ang suspek at biktima habang nag-iinuman.

Hanggang sa naalala ng suspek ang ginawang panghihipo ng biktima sa kaniyang asawa noong nakalipas na Marso.

Nang makatulog na ang biktima sa kalasingan ay kinuha ng suspek ang kanyang ice pick sa kariton at walang patumanggang pinagsasaksak ang una hanggang sa ito ay kanyang mapatay.

Sa isang follow-up operation ay naaresto ng mga otoridad ang suspek.

 

Show comments