Pulis na hit and run, baril tinangay

MANILA, Philippines - Dead-on-the spot ang isang pulis nang ito ay masalpok at takbuhan ng isang SUV habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Ang nasawi ay kinilalang si PO1 Ace Aguilar, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Regional Public Safety ng National Capital Regional
Police Office (NCRPO).

Sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi sa kahabaan ng C-5 Road sa Barangay Pinagsama ng  lungsod ay minamaneho ng biktima ang Yamaha scooter at tinatahak ang  southbound lane nang kabigin sa gawing kanan ang motorsiklo upang
iwasan ang isang mala­king truck na mabilis ang dating sa kanyang likuran.

Subalit, hindi umano nito napuna ang papara­ting na Toyota Fortuner kaya’t nahagip ito at bumagsak.

Sa halip na huminto, mabilis na humarurot patakas ang driver ng SUV na hindi naplakahan dahil sa madilim ang lugar.

Isang bata ang naka­kita sa isang lalaki na nag-aayos ng daloy ng trapiko upang hindi umano mahagip muli ang biktima, su­balit bigla nitong dinampot ang baril ng nakabulagtang pulis at ilang sandali ay tinangay ito.

Show comments