Tanod dedo sa pulis na lumabag sa batas

MANILA, Philippines - Isang barangay tanod ang nasawi habang dalawa ang nasugatan nang mamaril ang isang pulis na nagalit matapos na sitahin sa paglabag nito sa batas-trapiko kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Ang nasawi ay kinilalang si Armando Concepcion habang nasugatan ang isa pang tanod at ang misis ng pulis na si Rosario Suarez.

Isinasailalim naman sa imbestigasyon ang suspek na si SPO2 Michael Davela, miyembro ng Aviation Security Group at kinumpiska ang armas niyang kalibre .9mm na ginamit sa pamamaril.

Sa ulat, pasado alas-9:00 ng umaga nang pumasok sa kalsadang “one-way” sa may La Huerta, Parañaque si Davela at misis na magkaangkas sa motorsiklo.

Sinita si Davela ng mga nakatalagang barangay tanod sa lugar na nauwi sa pagtatalo na kung saan ay nagbunot ng baril ang pulis na nagkaroon ng agawan sa armas nang biglang pumutok at tinamaan ang umaawat na si Rosario.

Nang makitang duguan ang asawa, dito na pinagbabaril ni Davela ang mga tanod na ikinasawi ni Concepcion.

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo si Davela na posibleng ikasibak nito sa serbisyo.

Show comments