Sa Makati isasagawa... 2nd salvo ng ‘Million People March’

Nagsagawa kahapon ng  motorcade rally sa Edsa ang daan-daang motorcycle rider na humihiling ng total abolition ng Pork Barrel ng mga mambabatas. – BOY SANTOS

MANILA, Philippines - Mula sa Luneta ay sa Ayala, Makati naman dadalhin ng mga organizers ang pangalawang salvo ng “Million People March” kontra sa “Pork Barrel” ng mga mambabatas sa darating na Oktubre 4.

Sinasabing mas magiging malaki ang pagtitipon kaysa sa na­unang bersyon sa Luneta dahil sa pakikipagsanib-puwersa ng mga organi­zers ng “EDSA Prayer Rally”. 

Nabatid na nagpulong na sina Junep Ocampo at si Peachy Bretaña kasama ang iba pa para sa ikakasang pagkilos.

Nanawagan si Bre­taña sa taumbayan na muling makiisa sa naturang pagtitipon habang hinikayat ang mga empleyado sa mga opisina sa Ayala Business District na bumaba sa kanilang mga pinapasukang gusali at makiisa sa protesta.

Sa kanyang Facebook profile, ibinulgar naman ni Ocampo na nananatili pa rin ang “Pork Barrel” sa ipina­sang P2.268 tril­yong budget sa 2014, kaya mas lalong dapat paigtingin ang pana­wagan para tuluyang ibasura na ito.

Uumpisahan ang kilos-protesta dakong alas-3:00 ng hapon ng Biyernes at tatagal hanggang alas-10:00 ng gabi. Itiniyempo umano nila ito sa katapusan ng linggo upang makasali ang mga empleyado sa lungsod.

Pero hindi tulad ng mga nakaraang pagtitipon, sinabi ni Bretaña na meron na ngayong prog­rama kung saan magsasalita ang iba’t ibang lider ng mga grupong sasali sa pagkilos.  Nilinaw naman nito na patuloy nilang ipinagbabawal ang pag-“epal” ng mga politiko sa okasyon.

Show comments