2 pang suspek sa ‘Kae’ murder huli

MANILA, Philippines - Huli sa mga awtori­dad ang dalawa pang suspek na sinasabing responsable sa pagpas­lang at pagnanakaw sa advertising executive na si Kristelle ‘Kae’ Davantes makaraang ituga ng unang naarestong suspek.

Kinilala ni Sr. Supt. Christopher Laxa, pinuno ng TF Kae  ang da­lawa na sina Lloyd Enriquez, 18 at Jojo Diel, 30-anyos.

Si Enriquez ay na­dakip sa Cupang, Muntinlupa nitong nakaraang Sabado habang kusang-sumuko si Diel.  Matatandaan na unang nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Samuel Decimo, 19-anyos, noong naka­raang Biyernes.

Ayon kay Laxa, inamin din umano ng dalawa na pagnanakaw ang kanilang pakay kaya inalis na ng pulisya ang anggulong “crime of passion” sa pagpaslang sa 25-anyos na biktima na senior account manager ng McCann Worldgroup.

Kasalukuyan pang tinutugis ng pulisya ang tatlo pang suspek na nakilala sa mga alyas na “Jomar, Pepito at Fasher” na itinuro ng mga naarestong suspek na kanilang mga kasamahan sa krimen.

Hindi pa naman ma­linaw kung kanino mapupunta ang P2.5 milyong pabuya na ini­labas ng NCRPO buhat sa ambag ng mga con­cerned citizen at ng Office of the President.

Show comments