Nanalong alkalde sa Kalayaan Island binulaga ng Chinese vessel

MANILA, Philippines - Isang malaking barko na pag-aari ng China ang bumulaga sa grupo ng nagwaging alkalde ng Kalayaan Island Group (KIG) sa pinagtatalunang Spratly Islands (West Philippine Sea).

Ayon kay Kalayaan, Palawan reelected Mayor Eugenio Bito-onon, naganap ang pangha-harass bandang alas-12:00 ng madaling-araw nitong Huwebes sa bahagi ng Ayungin Shoal sa KIG.

Ang KIG ang mga islang inookupa ng Pilipinas sa pinagtatalunang Spratly Islands.

Bukod sa Pilipinas, kabilang sa mga bansang nag-aagawan sa Spratly Islands ay ang Brunei, Vietnam, Malaysia, Taiwan at ang China na siyang itinuturing na may pinakapangahas na maraming itinayong istraktura sa islang inookupa ng mga ito sa lugar.

Ayon kay Bito-onon kasalukuyang naglalayag ang kanilang bangka sa bahagi ng karagatan na nasasakupan ng Ayungin Shoal nang habulin at ilawan sila ng malaking barko na may ‘Chinese markings’

Nabatid na nasa 147 katao ang kasama ni Bito-onon na lulan ng bangka nang mangyari ang insidente.

Sinabi ni Bito-onon na naidlip siya pansamantala at ginising lamang ng kaniyang mga kasamahan dahilan hinahabol na sila ng barko ng China na nakadaong umano sa bahagi ng Ayungin Shoal.

Ang grupo ni Bito-onon ay galing sa Pag-asa Island at patungo sana sa kanilang extension office sa Balabac ng mangyari ang insidente.

Ayon kay Bito-onon, wala namang ginawa sa kanila ang mga dayuhang lulan ng barko bagaman halos masilaw sila nang patamaan ng ‘spotlight’ na nasa layong 50 metro.

Show comments