Ambush: 1 sundalo todas, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng mga bandidong  Abu Sayyaf Group ang grupo ng mga sundalo na ikinasawi ng isa sa mga ito habang da­lawa ang nasugatan sa kahabaan ng circumferential road, Brgy. Amaloy, Tipo-Tipo, Basilan kamakalawa.

Ang nasawing sundalo ay kinilalang si Pfc Jalil  Ahung, isang Ustadz ng Muslim. Habang nasugatan naman sina Sgt. Abdulnander Bakil at Cpl. Jaime Dugasan; pawang mga kasamahan ng nasawing biktima  sa 55th Engineering Battalion.

Batay sa ulat, ni Army’s 1st Infantry Division (ID) Spokesman Captain Alberto Caber, bandang alas-3:00 ng ha­pon habang pauwi na ang mga sundalo sa ka­nilang himpilan sa Brgy. Camalig, Unkaya Pukan, Basilan mula sa ginagawa nilang proyektong pang-komunidad sa bayan ng Tipo-Tipo nang paulanan ng bala ng mga bandido sa nasabing lugar.

Kinondena naman ng liderato ng Philippine Army ang insidente dahilan tumutulong sa mga proyekto ng mahihirap na komunidad tulad ng paggawa ng mga silid aralan, kalsada, tulay at gusali ang Army Engineer alinsunod sa Internal Peace Security Plan (IPSP) Bayanihan ng AFP.

Show comments