MANILA, Philippines — Sumasakay sa isang three-game winning streak, puntirya ng Farm Fresh na masakmal ang ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ bonus sa semifinals sa pagsagupa sa Creamline sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Haharapin ng Foxies ang Cool Smashers ngayong ala-1 ng hapon, habang maghaharap sa alas-6 ng gabi ang Nxled Chameleons at sibak nang ZUS Coffee Thunderbelles sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pasok sa semis ang Nxled (7-0), Farm Fresh (5-2), Choco Mucho (5-3) at Creamline (4-3), habang talsik ang PLDT (4-4), Akari (3-5), Capital1 Solar Energy (2-5), ZUS Coffee (2-5) at Galeries Tower (1-7).
Bagama’t magkaiba ng kartada at parehong may 16 points ay nakapasok pa rin ang Cool Smashers sa semis kumpara sa High Speed Hitters base sa set ratio win.
Walang ibang nasa isip ang Foxies kundi ang makuha ang bonus sa semis sa pagharap sa Cool Smashers na bagsak sa tatlong dikit na kamalasan.
Kung mananaig ang Foxies ay sila ang kukuha sa No. 2 spot kaharap ang No. 3 Flying Titans at makakasagupa ng No. 1 Chameleons ang No. 4 Cool Smashers.
Ang panalo naman ng Creamline ang mag-uupo sa kanila sa No. 2 katapat ang No. 3 Choco Mucho, habang lalabanan ng No. 1 Nxled ang No. 4 Farm Fresh.